Gamu, Isabela- Patay ang tatlong katao matapos banggain ng Toyota Hilux ang sinasakyang traysikel pasado alas sais ng umaga ngayong araw, Pebrero 8,2018 sa bahagi ng Maharlika Highway Brgy. Upi, Gamu, Isabela.
Kinilala ang Drayber ng traysikel na si Floredo Lapastora, 58 anyos at residente ng Santa Cruz, Benito Soliven samantalang kinilala naman ang suspek at may-ari ng Toyota Hilux na si Ernesto Angoluan, 70 anyos, retired teacher at residente ng Barangay Calamagui, Ilagan City.
Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay COP Richard Limbo, biyaheng Ilagan City umano si Lapastora kasama ang kanyang apat na pasahero ng aksidenteng matumbok ng kasalubong na Toyota Hilux ang kanilang sinasakyang traysikel.
Aniya, inovertake umano ni Angoluan ang sinusundang sasakyan ngunit huli na ng mapansin nito ang kasalubong na traysikel na minamaneho ni Lapastora.
Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang drayber ng traysikel maging ang kanyang apat na pasahero na agad namang isinugod ng Rescue 831 sa pinakamalapit na pagamutan ngunit idineklara ding Dead On Arrival Sina Lapastora at ang dalawang hindi pa nakikilalang pasahero.
Kasalukuyan namang nagpapagaling ang suspek sa ospital na mahaharap sa inquest proceedings.