Salpukan ng Traysikel at Van, Isa Patay!

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang lalaki matapos sumalpok sa kasalubong na pampasaherong van sa kahabaan ng Brgy. Buneg, Echague, Isabela.

Kinilala ang biktima at drayber ng traysikel na may plakang ZX 8058 na si Nomer Marco, 44 anyos, may-asawa, at residente ng Brgy. Buneg, Echague, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, habang binabaybay ng biktima ang lansangan particular sa pakurbang bahagi ng daan ay bigla itong sumalpok sa kasalubong na Van na may plakang VFK204 na minamaneho ni Regie Francisco, 33 anyos, may-asawa, residente ng Brgy. Maligaya, Echague, Isabela.


Sa tindi ng kanilang banggaan ay sumalpok sa konkretong barrier ang Van habang tumilapon naman sa isang Nipa hut ang traysikel.

Nahiwalay pa ang tangke ng traysikel hanggang sa tuluyang nasunog ang bahay kubo na nasa gilid ng daan.

Dinala naman sa pagamutan ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival (DOA) habang tumakas naman ang suspek sa hindi matukoy na direksyon.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nangyaring insidente at paghuli sa naturang suspek.

Facebook Comments