Samahan ng mga pribadong ospital sa bansa, naniniwalang dapat pa ring pairalin ang deployment cap sa pagpapadala ng nurse abroad

Dapat pa ring limitahan ang bilang ng medical frontliners na pinapayagang makapagtrabaho sa ibang bansa.

Pahayag ito ni Private Hospital Association of the Philippines (PHAPi) President Dr. Rene de Grano, lalo’t base sa kanilang pagtataya, nasa 40% hanggang 50% ng kanilang mga nurses ang umalis sa kanilang serbisyo o nagtrabaho abroad.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. De Grano na sakaling magpatuloy ang pagtaas ng bilang ng COVID patients na maa-admit sa mga ospital, posibleng kulangin ang kanilang mga tauhan.


Sa oras aniya na mangyari ito, mapipilitan silang tanggihan na ang ibang pasyente.

Ayon pa kay Dr. De Grano, sapat na ang 5,000 deployment cap na una nang ipinatupad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), upang hindi naman maubusan ng mga nurse ang bansa.

Matatandaan na nitong Pebrero lamang, itinaas sa 7,000 ang deployment cap.

Kailangan aniyang isaalang-alang ng lahat na noong nakaraang taon, nasa 11,000 ang nakapasang nurse, habang 6,000 lamang nitong Mayo at hindi naman aniya lahat ng ito ay otomatikong pumapasok sa mga ospital.

Facebook Comments