Sampung dayuhan, nahuli ng Immigration dahil sa paggamit ng Philippine passport

Iginiit ng mga senador ang pangangailangan na maimbestigahan ang napaulat na modus na pagpasok sa bansa ng mga dayuhan na ang gamit ay isang lehitimong Philippine passport.

Sa budget hearing sa Senado, inamin ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na sampung mga dayuhan ang kanilang nadakip dahil tunay na Philippine passport ang dala pero hindi naman marunong magsalita ng Filipino at ang itsura ay iba.

Aniya pa, nang tinanong ang mga dayuhan kung paano nakakuha ng lehitimong Philippine passport gayong hindi naman sila mga Pilipino, ang sagot sa kanila ay basta binigay lang sa kanila ang pasaporte.


Dahil dito, umapela sina Senator Nancy Binay at Senate Minority Leader Koko Pimentel na kailangang maimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isyu dahil may mga naaresto na.

Iginiit naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hindi ito isang simpleng Immigration o foreign affairs issue kundi maituturing na rin itong isang national security.

Giit ng senador, kung may sampung naaresto ay ilan naman kaya ang hindi pa nahuhuli.

Dagdag pa niya, nakakabahala na hindi natin nalalaman na posibleng marami sila na naririto sa bansa kaya naman hinimok niya ang mga awtoridad na tugunan ang naturang modus.

Facebook Comments