Mas pinatingkad ng San Carlos City Library ang adbokasiya nitong palawakin ang maagang literacy at pagkatuto habang idinaraos ang National Children’s Month 2025 sa Barangay Lilimasan, San Carlos City, Pangasinan.
Sa masiglang pagtitipon ng mga daycare learners mula sa District 3, itinampok ang isang araw na puno ng makabuluhang gawain—storytelling sessions, interactive learning activities, at malikhaing workshops—na layong pagyamanin ang imahinasyon, kaalaman, at kasiyahan ng mga bata sa pag-aaral. Ang kaganapang ito ay nagsisilbing mahalagang paalala na ang bawat bata ay may karapatang mahalin, alagaan, at bigyan ng pantay na oportunidad upang umunlad.
Bilang bahagi ng mas malawak na selebrasyon ng Library and Information Services (LIS) Month at National Children’s Month, pinalawak pa ng San Carlos City Library, ang kanilang programa sa pagbibigay ng libreng reading at learning materials. Mula sa daycare learners, isinama na bilang benepisyaryo ang lahat ng kindergarten learners sa buong San Carlos City upang matiyak na mas maraming batang San Carleño ang nagkakaroon ng akses sa wastong kagamitan pang-edukasyon.
Isa sa pinakamataas na prayoridad ng lokal na pamahalaan ang pagpapalakas ng kalidad ng edukasyon sa lungsod. Nakatuon ang pamahalaang panlungsod sa pagtiyak na ang bawat bata—anumang antas o katayuan—ay may matibay na pundasyon sa pag-aaral. Sa pagpapalawak ng mga programang ito, layong maiangat ang antas ng literasiya, masiguro ang standard-based learning para sa lahat, at higit sa lahat, matiyak na walang batang maiiwan sa paglalakbay tungo sa maunlad na hinaharap.
Sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito, patuloy na nagpapatunay ang San Carlos City Library na ito ay hindi lamang tahanan ng mga aklat, kundi isang aktibong katuwang ng komunidad sa paghubog ng malikhain, matalino, at may malasakit na kabataang Pilipino. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










