Wednesday, November 18, 2026

SAN CARLOS CITY, MULING KINILALA SA PAGPAPATUPAD NG PROGRAMANG PANGNUTRISYON

Muling kinilala ang San Carlos City matapos nitong makamit sa ikatlong pagkakataon ang Green Banner Seal of Compliance bilang pagkilala sa pagpapatupad nito ng mga programa at serbisyong pangnutrisyon.

Iginawad ang parangal sa 2026 Gawad Parangal ng Nutrisyon ng National Nutrition Council (NNC) Region I na ginanap noong Nobyembre 5, 2026 sa Kabaleyan Cove Resort sa San Carlos City, kung saan nagsilbi ring host ang lungsod.

Dinaluhan ang naturang regional awarding ceremony ng mahigit 200 nutrition advocates, mga kinatawan ng lokal na pamahalaan at mga awardee mula sa apat na lalawigan sa Region I.

Sa naturang pagtitipon, kinilala ng NNC Region I, katuwang ang Department of Health – Ilocos Center for Health Development, ang mga lokal na pamahalaan at nutrition workers.

Ito ay alinsunod sa resulta ng Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation Protocol o MELLPI Pro.

Samantala, nakamit naman ni Dr. Luisa Cayabyab ang unang runner-up sa kategoryang Outstanding City Nutrition Action Officer.

Taunang isinasagawa ang Gawad Parangal ng Nutrisyon upang kilalanin ang mga lokal na pamahalaan at nutrition personnel na may natatanging kontribusyon sa pagpapabuti ng mga programa at serbisyong pangnutrisyon sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments