Nagsagawa ng canon misting o disinfection at sanitation ang pamahalaang lungsod ng San Juan sa Barangay West Crame.
Ito’y bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan na labanan ang Corona Virus Disease 2019 o COVID-19 kung saan umakyat na sa 35 ang kabuuang kaso nito sa Pilipinas.
Pinangunahan mismo ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang disinfection sa lahat ng public spaces gayundin sa lahat ng eskinita sa nasabing barangay.
Matatandaang kabilang ang San Juan sa apat na lungsod na mayroong kaso ng COVID-19 na inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Zamora, layon ng nasabing hakbang na ipakita sa publiko na ligtas pa rin ang kanilang lungsod sa banta ng COVID-19 sa kabila ng mga naitatalang kaso rito.
Pagmamalaki pa ng alkalde, kargado ng chlorine solution ang kanilang gamit na may mataas na lebel ng broad spectrum biocide na kayang pumatay ng anumang uring virus kabilang na ang COVID-19.