San Juan City Mayor Francisco Zamora, hinikayat ang mga residente na magparehistro sa COVID-19 vaccine program

Patuloy ang paghikayat ni San Juan City Mayor Francisco Zamora sa mga residente nito na makiisa at magparehistro sa vaccination program ng lungsod laban sa COVID-19.

Sa ngayon kasi, ayon kay Zamora nasa 36,814 pa lang ang total registrant ng lungsod para sa nasabing bakuna.

Ito ay katumbas ng 43.11% mula 85,400 na indibiduwal na target bakunahan kontra COVID-19 ng lokal na pamahalaan ng San Juan.


Aniya, kailangan kasi nasa 70% ang mabakunahan mula kabuuang bilang na target mabigyan ng bakuna ng pamahalaang lungsod upang makamit ang tinatawag na herd immunity o dami ng nabakunahan upang maging ligtas mula sa sakit.

Samantala, nagpapatuloy naman ngayong araw ang pagbibigay ng bakuna sa mga natitirang mga doctor, medical frontliner at iba pang mga health worker mula sa 3,456 health workers na nag parehistro sa COVID-19 vaccination registration ng lungsod.

Matatandaan, kahapon nanawagan din ang alkalde sa mga health worker mula sa private institutions na ngatatrabaho at residente ng lungsod na magparehistro na rin at magpabakuna laban sa COVID-19.

Facebook Comments