Sandiganbayan, ibinasura ang apela ng dating Mayor ng Manito, Albay kaugnay sa maanomalyang pagbili ng fertilizer

Ibinasura ng Sandiganbayan ang apela ng dating Mayor ng Manito, Albay at iba pang opisyal kaugnay sa maanomalyang pagbili ng fertilizer noong ito pa ang alkalde noong 2004.

Hindi nakumbinsi ni dating Mayor Carmencita Daep ang 4th Division ng Sandiganbayan na ipawalang sala siya sa kasong graft dahil sa pagbili ng unregistered fertilizers na nagkakahalaga ng ₱3 million.

Guilty rin sa kaso ang mga bumubuo ng Bids and Awards Committee na kinabibilangan ng Municipal Accountant na si Ameife Lacbain, BAC Chairman Dioscoro Ardales at mga miyembro na sina Arnold Calsiña at Ernesto Millena.


Hinatulan ng anti-graft court ang alkalde at mga nabanggit na respondent ng 6 hanggang 10 taon na pagkakulong at perpetual disqualification from holding public office.

Sa record na inilabas ng Ombudsman sa Sandiganbayan, bumili umano ang pamahalaang bayan ng Manito sa fertilizer supplier na Hexaphil Agri ventures Incorporated mula sa ₱780 million Farm Inputs/Farm Implements Program ng Department of Agriculture (DA).

Ngunit ang Hexaphil Agri ventures Inc., ay hindi umano rehistradong kompanya sa Makati Business Permit and Licensing Office kung saan sa lungsod na ito matatagpuan ang kanilang opisina.

Sinabi rin ng pinuno ng Fertilizer Regulatory Services Division ng Fertilizer and Pesticides Authority na peke rin umano ang mga permit ng nasabing kompanya.

Hindi rin ito rehistrado sa Department of Trade and Industry (DTI) habang ni-revoked naman Securities and Exchange Commission registration dahil sa hindi pagbabayad ng buwis.

Facebook Comments