Mariveles, Bataan – Ito ang kinumpirma ni Mariveles Municipal Mayor Ace Jello Concepcion sa isang mensaheng ipinadala nito sa reporter na ito sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Kinumpirma rin ng CIDG Bataan ang naging aksyon alinsunod sa atas ng Pangulong Rodrigo Duterte na paimbestigahan at inspeksyunin ang lahat ng sangay ng kontrobersyal na supermarket.
Ito ay kaugnay ng nangyaring trahedya sa Porac, Pampanga nang manalasa sa Central Luzon ang magnitude 6.1 earthquake noong Lunes, Abril a beinte dos, kung saan gumuho ang apat na palapag na gusali ng Chuzon Supermarket at maraming buhay ang nakitil.
“Pina inspect po natin sa engineering din po, at kanina kasama po ang CIDG, PNP at BFP we served a temporary closure order until they are cleared after inspection of a structural engineer,” pahayag ni Mayor Concepcion.
Paglilinaw ng alkalde, nais niyang matiyak ang kaligtasan ng kanyang mga kababayan empleyado man ng Chuzon o mamimili rito kaya’t nagpasya ang LGU Mariveles na iserve ang temporary closure order.
“We are after the safety of everyone who are visiting the place. Kaya po hangga’t di pa clear e mas mabuti po na isara po muna ang lugar,” dagdag pa ng first-termer mayor.