Patay ang 11-buwang gulang na sanggol matapos umano lunurin ng sariling ina sa isang timba ng tubig sa loob ng banyo ng inuupahang bahay sa Cebu City, Biyernes, Hulyo 26.
Ayon sa salaysay ng lolo ng biktima sa pulisya, iniwan niya lang daw ang mag-ina para bumili ng tubig, ngunit pagbalik niya pasado alas-sais ng gabi, natagpuan niya ang wala nang malay na apo sa timba na puno ng tubig sa loob ng banyo.
Naisugod pa sa ospital ang sanggol pero binawian din ito ng buhay.
Mismong ang lolo rin ang nagsumbong ng insidente sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa ina ng sanggol.
Kuwento pa ng lolo, galing silang Lanao del Norte at nagtungo sa Cebu para ipagamot sa albularyo ang pabalik-balik na lagnat at ubo ng sanggol.
Nahaharap sa kasong parricide ang suspek na nakapiit sa Watefront Police Station.
Isasailalim din siya sa pagsusuri upang alamin kung may problema ba ito sa pag-iisip dahil ayon sa lolo, kakaiba ang kinikilos nito bago ang insidente.
Nang hinahanap daw ng lolo ang apo sa suspek, ang sagot nito ay hindi niya kilala ang bata sa loob ng banyo.
Ipinagamot na rin daw ang suspek noon na nakaranas ng depresyon.