Sanggol, patay matapos umanong makatulugan ng ina habang nagpapasuso

NORTH PORT, Florida – Patay ang isang 5-buwang-gulang na sanggol matapos umanong makatulugan ng sariling ina habang nagpapasuso ito.

Base sa report ng awtoridad, alas-4:00am ng Martes nang tumawag sa 911 ang nanay ng bata para ipaalam ang nangyari.

Kwento ng nanay, nagpapadede siya noon at nakatulog at paggising niya umano, nagulat siyang hindi na humihinga ang kanyang anak.


Mabilis namang nagtungo sa mag-ina ang emergency responders na agad nagsagawa ng CPR ngunit sa kasamaang-palad ay hindi na nila naisalba ang paslit.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ang North Port Police sa medical examiners para malaman kung magsasampa ng anumang reklamo laban sa hindi pinangalanang ina ng bata.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari.

Kaugnay nito, nailabas ang kaparehong kaso sa pagkamatay ng isang 4-linggong-gulang na sanggol noong 2009 nang makatulugan din ng ina habang nagpapasuso ito sa eroplano na byahe noon patungong Kuwait.

Isa ring kaparehong kaso ang naitala nang masawi ang 13-araw-gulang na bata na nagdedede rin sa ina at nakatulugan nito.

Makalipas ang pitong taon, inaresto ang kaparehong nanay dahil sa pagkamatay ng bagong silang niyang sanggol dahil din sa kaparehong insidente.

Facebook Comments