Cauayan City, Isabela- Ipinapanawagan ngayon ng ilang miyembro ng Sangguniang Kabataan sa Lungsod ng Cauayan ang kahalagahan ng bayanihan sa kabila ng nararanasang krisis bunsod ng COVID-19.
Ito ay matapos ilunsad ng National Youth Commission at ‘Ang Probinsyano’ Partylist ang simpleng paggawa ng video presentation at paghikayat sa mga kabataan sa buong bansa para ipalaganap na ang malaking ambag ng mga ito sa lipunan.
Ayon kay SK Chairperson Justin Agustin ng Brgy. Marabulig 1, sa kabila ng patuloy na pakikipaglaban ng lahat sa banta ng virus ay tila kwestiyonable din para sa ilan ang hindi sapat na ayudang natatanggap mula sa gobyerno subalit patuloy ang panawagan ng pagkakaisa para matugunan ang pangangailangan ng bawat pamilya.
Aniya, simpleng handog para sa mga pamilya subalit malaking tulong para sa mga ito ang mabigyan ng ngiti at pag-asa sa kabila ng patuloy na pakikipaglaban ng mundo sa nakamamatay na sakit.
Kasabay ng pagtugon ng mga kabataan ang paglulunsad ng mga proyekto (PROJECT KADWAK) na nagbigay pag-asa sa 100 pamilyang nabiyaan ng munting handog habang nabigyan ang mahigit sa 1,000 pamilya ng alternatibong pagkakaroon ng disinfectant.
Kabilang din ang paghikayat sa mga nais na ibahagi ang kanilang karanasan habang umiiral ang quarantine sa pamamagitan ng kanilang inilunsad na ‘Kwarantin Dyornal’ Essay Competition
Samantala, tatanggap naman ng P30,000 ang hihirangin na ‘Outstanding SK Response on COVID-19’ video contest.