Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ng kasong paglabag sa RA 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act” ang isang pulis na nagpauwi umano ng Locally Stranded Individual (LSI) na hindi man lang dumaan sa tamang proseso.
Ayon kay Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, may iba pang uniformed personnel ang sangkot din umano sa nasabing usapin gaya na lamang sa bayan ng Echague na inireport sa Provincial Task Force.
Sinabi pa ng opisyal na hindi properly coordinated ang pag-uwi ng mga LSI na may kasamang escort na pulis maging ang paagsasailalim sana sa quarantine protocols ay hindi na nagagawa.
Giit pa ni Binag, walang kaukulang dokumento naipresenta ang nasabing mga LSIs na umuwi ng probinsya kung kaya’t hindi man lang nakapasailalim sa triage ang mga ito sa bayan ng Cordon.
Maghahain naman ng panibagong resolusyon ang Isabela-IATF para sa gagawing paghihigpit sa lahat ng mga papasok sa lalawigan at tiyaking kahit unipormadong miyembro ng kapulisan ang tutungo sa probinsya ay kinakailangang pa rin na dumaan sila sa proseso.
Nagbabala si Atty. Binag sa mga hindi tatalima o makikipagtulungan na opisyal ng barangay at pribadong indibidwal na masasampahan ng kaso.
Sinisikap naman ng iFM news team na mahingan ng pahayag ang sangkot na pulis maging ang pinuno ng Isabela PNP para sa usaping ito.