Sanglaan sa Santiago City Nilooban, Pera at Alahas Natangay!

Santiago City, Isabela – Nilooban at ninakawan ang isang Jewelry Pawnshop ng mga hindi pa nakikilalang suspek pasado alas otso ng umaga kahapon, Enero 3, 2018 sa Barrera Street, Centro East, Santiago City.

Ayon sa ibinahaging impormasyon ng Station 1 PNP Santiago City, itinawag ni Martin Cayaban manager ng nilooban at ninakawang Carig Jewelry Pawnshop na pagmamay-ari ni Joseph Miranda ang nangyaring insidente.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Station 1, dumaan ang mga suspek mula sa kanal ng Lino Barrera Street hanggang sa matumbok ang eksaktong lokasyon ng sanglaan.


Gumamit ang mga suspek ng hydraulic jack na ginawang pang butas upang makapasok.

Natangay ng mga suspek mula sa nasabing sanglaan ang hindi pa matukoy na halaga ng pera at ibat-bang klase ng mga alahas.

Narekober naman mula sa pinangyarihan ang isang manual at electric hand drill, craw bar, hydraulic jack, ball cap, Jansport Back Pack, dalawang baterya, pliers, flat screw at anim na drill bits.

Napag-alaman din na walang Security Guard at hindi gumagana ang CCTV ng gusali.

Ayon kay Police Chief Inspector (PCI) Rolando Gatan pinuno ng investigating team ng naturang kaso, kasalukuyan pa rin ang kanilang ginagawang imbestigasyon ukol sa nangyaring panloloob.

Facebook Comments