Sanhi ng pagbagsak ng helicopter sa Cavite City na ikinasawi ng 2 piloto, masusing iimbestigahan ng Philippine Navy

Nagdadalamhati ang buong hanay ng Philippine Navy sa pagkasawi ng 2 nilang tauhan na lulan nang bumagsak na Robinson R22 trainer helicopter sa Cavite City kaninang umaga.

Ayon kay Capt. JP Alcos ng Philippine Navy, Naval Public Affairs Office masusi nilang iimbestigahan ang insidente.

Sa paunang impormasyon, galing sa Sangley Airport sa Cavite ang naturang helicopter at nagsasagawa noon ng training flight lulan ang 2 piloto nang mangyari ang trahedya.


Nakapagsagawa pa ng emergency procedures ang piloto ng helicopter pero ito ay tuluyang bumagsak malapit sa Cavite City public market.

Nabatid na ito na ang huling Robinson R22 trainer helicopter ng Philippine Navy.

Pagtitiyak naman Navy na regular ang inspeksiyon at maintenance ng kanilang mga helicopter para sa airworthiness ng mga ito.

Facebook Comments