SANHI NG PAGKAMATAY NG ILANG POULTRY ANIMALS SA CAGAYAN, INAALAM

Nagsagawa ng blood samples collection ang Provincial Veterinary Office (PVET) upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng mga alagang manok, pato at itik sa Gattaran, Cagayan.

Ito ay matapos makatanggap ang opisina ng mga ulat tungkol sa mga namatay na hayop sa Brgy. Sta. Ana, Gattaran, Cagayan.

Sa impormasyon mula sa Cagayan Provincial Information Office, may 20 blood samples at swabbing ang nakolekta ng PVET mula sa mga hayop na pagmamay-ari ng 13 na magsasaka.

Isinumite na sa laboratory ang mga nakuhang samples at inaantay ang resulta upang matukoy ang sanhi ng pagkasawi ng mga alagang hayop.

Namigay rin ang PVET ng disinfectants sa apektadong barangay at mga vitamins at antibiotics sa mga alagang manok, pato, at itik sa lugar.

Magugunita na nagnegatibo sa bird flu ang mga manok, pato at gansa sa Sto. Niño at Amulung kamakailan.

Ang mga ito ay namatay sa sakit na sengaw o peste.

Ayon pa sa nakuhang impormasyon, kasalukuyang bird flu free parin ang lalawigan ng Cagayan kung kaya’t inaalam ang totoong dahilan ng pagkamatay ng mga alagang manok, pato at itik sa naturang lugar.

Facebook Comments