Manila, Philippines – Nagsanib-puwersa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Philippine Constructors Association (PCA), Inc. para magsanay ng 2,000 construction supervisors sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program bilang suporta sa Build, Build, Build Program ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling Mamondiong, ang kasunduan ay bahagi nang pagtutulungan ng TESDA at PCA upang isulong ang Build Build Build Program ng kasalukuyang administrasyon at pagtatag ng Public-Private Partnership para naman suportahan ang limitadong resources ng gobyerno.
Aniya, maglalaan ang TESDA ng pondo sa ilalim ng *Training for Work Scholarship Program* (TWSP) bilang suporta sa construction supervisor development program habang tutulong ang PCA para mapaunlad ang kakayahan at kapasidad ng mga construction supervisors sa nasabing industriya.
Ipinaliwanag pa ng opisyal, na ang pangunahing layunin ng partnership ay upang bumuo ng grupo ng mga kwalipikado, globally competitive at job-ready construction supervisors at assistant construction supervisors na kakailanganin ng mga construction industry.
Alinsunod sa MOA, ang PCA ay magbibigay ng paunang bilang ng mga construction supervisor at assistant construction supervisors na sasailalim sa on-the-job training at pondong gagamitin para sa training program.
Sa panig ng TESDA, maglalaan ito ng P30 milyon para sa paunang pagpapatupad ng programa para sa 2,000 construction supervisors na sasanayin ng mga training providers na may TESDA registered programs kaugnay sa construction sector na kasama sa aprubadong qualification map.
Ngayong taon, 150 construction supervisors ang sasanayin.
Nagpagkasunduan din na 70% sa mga graduates ay mabigyan ng trabaho sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon mula nang magtapos ang mga scholars.