Cauayan City, Isabela – Walang takot ngunit hindi umubra ang tigas. Ganito pwedeng isalarawan ang dalawang benepisyaryo ng SAP na naaresto dahil sa aktong paglalaro ng ‘Tong-its’ sa Lungsod ng Cauayan.
Ayon sa inisyal na ulat ng PNP Cauayan City, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang nagpakilalang concerned citizen na may mga nagsusugal sa Africano St. District 2, Cauayan City.
Dahil dito, agad na umaksiyon ang mga pulis at naabutan sa aktong paglalaro ng baraha sa ilalim ng punong mangga ang tatlong kababaihan na kinabibilangan ng dalawang nakatanggap ng ayuda sa DSWD sa bahay ng isang Reynaldo Paguinto.
Agad na inaresto ang tatlo at dinala sa PNP Cauayan.
Nakatakda silang kasuhan sa paglabag sa PD 1602 o anti illegal gambling law ngayong araw sa pamamagitan ng inquest proceeding.
Kinilala ang mga suspek benepisyaryo ng SAP na sina Christina Porlayo, 29 taong gulang, walang asawa at Brigida Felipe, 58 anyos na biyuda.
Kasama sa mga naaresto si Winnie Seberias, 44 taong gulang na pawang residente sa nabanggit na lugar.
Nauna nang nagbabala ang pamahalaan na kakasuhan ang mga benepisyaryo ng SAP na mahuling nagsusugal o gagamit sa ayuda sa hindi iligal na gawain.
Ayon pa sa pamahalaan, wala nang maaasahang tulong ang mga ito at blacklisted na rin sa anumang ayuda mula sa gobyerno.