Sapat na bakuna, solusyon para maiwasan ang singitan sa vaccine rollout

Ang sapat na doses ng COVID-19 vaccine para sa mga Pilipino ang nakikitang solusyon ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan para hindi na mangyari ang singitan sa pagpapabakuna kung saan prayoridad ang medical frontliners.

Pahayag ito ni Pangilinan kasunod ng report na may mga artista at politiko ang sumingit na mabakunahan agad kahit hindi sila kasama sa listahan ng mga prayoridad na mabigyan ng COVID-19 vaccine.

Giit ni Pangilinan, dapat puspusang kumilos ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) para magkaroon na ng sapat na suplay ng bakuna ang Pilipinas.


Ipinunto rin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na kaya nangyayari ang singitan sa vaccine rollout ay dahil hanggang ngayon higit isang milyong doses pa lang ang ating bakuna gayong 140 million doses ang ating kailangan.

Para sa mga sumingit sa pagpapakuna, sinabi ni Drilon na bahala ang Department of Justice (DOJ) kung ano ang posibleng paglabag ng mga ito sa COVID-19 Vaccination Program Act.

Sabi naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, sa Department of the Interior and Local Government (DILG) dapat magpaliwanag ang mga mayor na nakipag-unahan sa mga medical frontliners para magpabakuna.

Facebook Comments