Iginiit ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na pag-ibayuhin pa ang pagbabakuna sa mamamayang Pilipino laban sa COVID-19.
Pero diin ni Go, dapat irespeto ang pasya ninuman kung payag o hindi na magbabakuna.
Paliwanag ni Go, dapat paigtingin ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko ukol sa COVID-19 vaccine upang makapagpasya sila ng tama para sa kaligtasan nila at ng kanilang komunidad.
Pahayag ito ni Go makaraang sabihin ni Infectious Disease Expert Dr. Rontgene Solante na panahon na para gawing mandatory ang COVID-19 booster shots sa general population.
Ito ay para magkaroon ng dagdag na proteksyon sa pagpasok sa trabaho at sa pagbabalik sa face-to-face classes.
Ayon kay Go, hindi mapipilit ang sinuman na magpabakuna pero makakatulong na sila ay mahikayat kung maipaiintindi sa kanila na ang bakuna lang ang tanging solusyon ngayon para labanan ang pandemya at tuluyang makabangon tayo agad.
Dagdag pa ni Go, mainam din na sikaping mapalakas ang pagbabakuna sa mga lugar sa bansa na mababa ang bilang ng mga nabakunan laban sa COVID-19.