P32 billion supplemental budget para sa ligtas na full face-to-face classes, iminungkahi sa Kamara

78

Aabot sa P32 billion na supplemental budget ang inihain sa Kamara ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro para masiguro ang 100% face-to-face classes.

Sa House Joint Resolution No. 4 na inihain ng Makabayan Bloc sa Kamara ay P32 billion ang pondong ipinalalaan na paghahatian ng Department of Education (DepEd), Department of Science and Technology (DOST) at ng mga piling state university and college (SUC) para sa dagdag na alokasyon ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga pampublikong paaralan na nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon.

Ang pondo ay pinagagamit para matiyak na may sapat na pasilidad ang mga paaralan upang matiyak na ligtas ang mga mag-aaral sa oras na magbalik na sa klase.


Tinukoy sa resolusyon na sa ilalim ng 2021 at 2022 national budget ay hindi kasama sa ikinonsidera para paglaanan ng sapat na pondo ang posibilidad ng pagbabalik sa mga paaralan.

Bunsod ng kakulangan sa panahon para mapaghandaan ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan dagdag pa ang kakapusan at delay sa pagbibigay ng pondo ay pinapasan na ng mga guro at mga school division ang paglalatag ng ‘health at safety measures’ sa mga eskwelahan para lamang makasunod at makapasa sa ‘verification process’ ng DepEd.

Ang supplementary budget na P32 billion para sa MOOE ng mga public schools ay pinahuhugot naman sa P440 billion na koleksyon sa oil excise taxes.



Facebook Comments