Sapat na pondo para sa cancer treatment, tiniyak ng Kamara

Tiniyak ni House Speaker Lord Allan Velasco na bibigyan ng sapat na pondo ang National Integrated Cancer Center (NICC).

Kasunod ito ng panawagan ni Committee on Accounts Chairman at Davao City Rep. Paolo Duterte sa Kamara na tiyaking may sapat na pondo ang ahensya upang maraming buhay ang maisalba laban sa sakit na cancer kasabay ng pahayag na ang ina nito ay isa ring cancer survivor.

Ayon kay Velasco, sa pagsalang ng ₱4.5 trillion 2021 national budget sa bicameral conference committee ay itutulak nila na mabigyan ng sapat na pondo ang NICC.


Sinabi pa ng Speaker, pareho sila ng sentimyento ni Cong. Duterte na ang gamutan para sa cancer ay dapat patas at abot-kaya ng lahat lalo na ang mga mahihirap at marginalized na mga Pilipino.

Tinukoy rin ni Velasco na maging ang mga mayayaman ay nakakaranas ng financial struggle dahil sa napakamahal na diagnosis at treatment sa cancer.

Batay aniya sa Cancer Coalition Philippines, ang isang session ng breast ultrasound ay aabot ng ₱600 hanggang ₱3,000, colonoscopy ₱1,500 hanggang ₱14,000 at chemotherapy session ₱20,000 hanggang ₱120,000, hindi pa kasama dito ang professional fees.

Batay naman sa pag-aaral ng UP-Institute of Human Genetics, sa kada 100,000 Pilipino ay 189 dito ang nagkakasakit ng cancer habang 96 na cancer patients naman ang namamatay bawat araw.

Facebook Comments