
Tiniyak ni Senator Sherwin Gatchalian na may sapat na pondo para sa mga lugar na masasalanta ng lindol at iba pang kalamidad, kasunod ng magnitude 5.4 na lindol na tumama sa Bogo City, Cebu nitong Lunes.
Ayon kay Gatchalian, dapat agad na ma-assess ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga lokal na pamahalaan ang pinsala at mabilis na matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad.
Sinabi ng senador na sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA), naglaan ng P23.492 billion para sa National Disaster Risk Reduction and Management Program at P15.330 billion para sa disaster rehabilitation and reconstruction assistance.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapalakas ng disaster preparedness sa lahat ng antas.
Pinaalalahanan ni Gatchalian ang publiko na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga safety procedures, at makilahok sa mga regular na earthquake drill para sa kaligtasan.








