Tiniyak ng Department of Health (DOH) na may sapat na pondo ang pamahalaan upang makabili ng bivalent COVID-19 vaccines na layong protektahan ang mga Pilipino sa mga variants ng sakit tulad ng Omicron.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na gagamitin nito ang savings mula sa loans na binigay ng Asian Development Bank (ADB) at World Bank upang mabili ang bakuna sa mga susunod na buwan.
Sa ngayon, walang available na bivalent vaccines sa Pilipinas pero ayon kay Vergeire ay posibleng makatanggap ang Pilipinas ng suplay nito sa unang quarter ng taong 2023.
Una nang nanawagan ang mga eksperto na dapat nang bumili ang bansa ng mga second generation vaccine kasunod ng pagpasok ng COVID-19 XBB variant at Omicron XBC subvariant sa bansa na itinuturing na immune-evasive o kayang iwasan ang proteksyong dala ng bakuna.