Pinawi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pangamba ng publiko sa suplay ng asukal sa Pilipinas.
Tiniyak ng pangulo na hanggang Agosto ng susunod na taon ay may sapat na suplay ng asukal ang bansa.
Ayon kay Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles, nagsisimula na ang anihan ng tubo na makatutulong upang masiguro na sapat ang suplay nito hanggang sa susunod na taon.
Dagdag pa ni Cruz-Angeles, sa ilalim ng Sugar Regulatory Administration (SRA) Order No. 1 ay nasa 1,876,135.36 metric tons ng asukal ang magagawa sa loob ng isang taon mula ngayong buwan hanggang sa August 2023.
Ito aniya ang dami ng asukal na nakalaan at ipapakalat sa merkado para mabili ng mga konsumer.
Sinabi pa ng kalihim, posibleng magkaroon pa rin ng pagbabago o adjustment sa dami ng asukal na maaaring mai-produce bunsod na rin ng inaasahang tuloy-tuloy na sugar production sa bansa dahil sa pagsisimula ng harvest season.