Sapat na suplay ng kuryente ngayong panahon ng tag-init, pinatitiyak ng senador

Umapela si Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Energy (DOE) at sa Energy Regulatory Commission (ERC) na may sapat na suplay ng kuryente ngayong panahon ng tag-init.

Hinikayat ni Gatchalian ang mga ahensya na tiyaking nakasusunod ang generation companies sa mga naka-schedule na preventive maintenance para matiyak na mayroong maaasahang suplay ng kuryente at maiwasan ang pagkaantala.

Nais ng mambabatas na matiyak ito ng mga kaukulang ahensya bago pa man ang inaasahang pagtaas ng demand sa kuryente sa pagpasok ng mga buwan ng summer.


Isa aniya ang regular maintenance sa paraan para maiwasan ang brownouts at iba pang problema at ma-maximize ang power generation output.

Hiniling din ni Gatchalian na dagdagan ng DOE ang impormasyon at edukasyon sa consumers patungkol sa episyente at pamamaraan sa matipid na paggamit ng kuryente.

Nauna nang nagbabala ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa epekto sa suplay ng kuryente kapag hindi naagapan ang pagtirik ng mga planta.

Facebook Comments