Pinatitiyak ni House Energy Committee Vice Chairman at Quezon City Rep. Alfred Vargas sa Department of Energy (DOE) na hindi magkakaroon ng power interruption sa gitna ng pag-roll out ng mass vaccination ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Sa House Resolution 1527 na inihain ng kongresista, pinakikilos nito ang House Committee on Energy na silipin ‘in aid of legislation’ ang mga hakbang na maaaring gawin ng DOE at iba pang kaukulang ahensya para masigurong ‘stable’ ang suplay ng kuryente habang isinasagawa ang pagbabakuna sa 70 milyong mga Pilipino.
Tinukoy ni Vargas sa kanyang resolusyon na para maisakatuparan ang matagumpay na vaccination program ay dapat matiyak ng gobyerno na hindi magkakaroon ng aberya o insidente sa suplay ng kuryente na maaaring magresulta sa power loss.
Binigyang diin pa ng mambabatas na kailangan ang tuloy-tuloy na suplay sa kuryente lalo na sa pagdating ng malaking batch ng COVID-19 vaccines mula sa Estados Unidos sa Mayo, kung saan ito ang buwan na mataas ang kunsumo sa kuryente.
Mahalaga aniyang matiyak na gumagana ang mga pasilidad lalo na ang cold storage facility na siyang pag-iimbakan para tumagal ang shelf life ng COVID-19 vaccines.
Maliban sa pagtiyak ng suplay ng kuryente, pinayuhan din ni Vargas ang Local Government Units (LGUs) na magkaroon ng generators at bumalangkas ng contingency plans upang matiyak na maiingatan ang mga bakuna at hindi mapupurnada ang vaccination program.