Sapat na suplay ng PPEs sa Mindanao region, pinatitiyak sa DOH

Umapela si House Committee on Mindanao Affairs Chairman at Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo sa Department of Health (DOH) na maglaan ng buffer stock ng Personal Protective Equipment (PPEs) sa Mindanao region.

Sa presentasyon ni DOH Usec. Abdullah Dumama Jr., lumalabas na malaki ang bilang ng pangangailangan para sa PPEs sa mga lalawigan ng Mindanao.

Napuna ni Zamboanga Sibugay Rep. Wilter “Sharky” Palma II na sa Region 9 ay aabot lamang sa 16,460 PPEs ang natanggap ng rehiyon at aabot pa sa 37,470 ang kinakailangang PPEs.


Nangangamba si Palma na sa unti-unting pagbubukas ng mga commercial flights sa Mindanao at ng ekonomiya ay tataas ang bilang ng COVID-19 cases sa rehiyon at posibleng kulangin ang suplay ng PPEs para sa kanilang mga frontliners.

Giit ng kongresista, huwag naman sanang ituon lamang sa Luzon ang mataas na suplay ng PPEs.

Aniya, mismong sila sa lokal na pamahalaan ay gumagawa na ng paraan para mapunan ang kakulangan sa suplay ng PPEs.

Katwiran ni DOH-9 Regional Director Emilia Monicimpo, hindi sa kanila kundi sa central office pa nanggagaling ang alokasyon para sa PPEs at nagbabahagi nito sa iba’t ibang medical facilities.

Tiniyak naman ni Dumama na aaksyunan sa lalong madaling panahon ang kakulangan ng suplay sa PPEs pati na rin ang karagdagang testing kits sa Mindanao region.

Facebook Comments