ZAMBOANGA CITY – Tinanggal na sa puwesto ang pulis na nag-viral matapos niyang tukuran ng tuhod at tapakan ang hinuli niyang rider noong Huwebes, Hulyo 23.
Iniimbestigahan na ngayon si Maj. Jivertson Pelovello, station commander ng Zamboanga City Police Station 7, dahil sa “brutality” at ginawang pagbabanta sa uploader ng video, ayon kay Regional Director Brig. Gen. Jesus Cambay Jr.
Sa kuha ni Cherry Mae Utom, makikitang dinadaganan ng pulis ang lalaki habang nakahiga ito sa kalsada. Nang tumayo ang dalawa at makarating sa isang gilid, muling pinilit ni Pelovello na pahigain ang rider hanggang sa puwersahan niya na itong itulak.
Ilang saglit pa ang lumipas, biglang niluhuran ng pulis ang katawan ng lalaki at tinapakan din ang tiyan nito habang may kausap sa radyo.
Doon na siya nilapitan ng concerned citizen para kausapin pero imbis na makinig ay pinagbantaan niya si Utom na aarestuhin at sasampahan ng obstruction of justice.
Nakikiapag habulan dw sa checkpoint. Toinks. Sir y mira gt io kc kilaya y tumba el motor..de na bo amo n Kosa bo y…
Posted by Cherry Mae Sagoso Utom on Thursday, July 23, 2020
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na sinita ni Pelovello ang dalawang sakay ng motorsiklo dahil sa hindi pagsusuot ng helmet at facemask.
“Nang kaniyang lapitan para tanungin, kumaripas sila ng takbo at nakipag-racing sa pulis. Muntik mabangga, ayan bumaba, ang isa nakatakbo, ‘yugn isa nahawakan,” anang Capitain Edwin Duco, tagapagsalita ng Police Regional Office 9.
Inilipat muna ang hepe sa Regional Personnel Holding Administration Unit. Tumanggi naman siyang magbigay ng pahayag kaugnay ng insidente.