Sara Discaya at iba pang DPWH officials, kakasuhan na kaugnay sa P100-M ghost flood control project sa Davao Occidental —PBBM

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sasampahan na ng kaso ng Office of the Ombudsman ang kontratistang si Sarah Discaya at iba pang sangkot sa nadiskubreng ₱100 million ghost flood control project sa Brgy. Kulaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental.

Ayon sa pangulo, idineklarang “tapos” na ang naturang proyekto noong 2022 kahit walang anumang konstruksyon na nangyari.

Batay rin sa ginawang inspeksyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Setyembre 2025, walang kahit anong proyekto sa naturang lugar bagay na kinumpirma rin ng mga katutubo at barangay officials sa kanilang joint affidavit.

Palsipikado rin ang final billing, certificate of completion, at inspection reports na isinumite ng mga opisyal.

Dahil dito, posibleng maharap si Discaya sa kasong malversation through falsification, na isang non bailable offense, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o RA 3019.

Kasama rin sa kakasuhan ang presidente ng St. Timothy Construction Corporation na si Maria Roma Angeline Remando, iba pang executives ng kumpanya, at ilang opisyal ng DPWH.

Kaugnay nito, inatasan ng pangulo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na bantayan kinaroroonan ni Discaya at ng iba pang akusado upang agad silang maaresto kapag naglabas ng arrest warrant ang korte.

Facebook Comments