Manila, Philippines – Atensyon sa mga motorista isasara sa Linggo Feb. 25, ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ang kahabaan ng EDSA northbound lane partikular sa may bandang Boni Serrano hanggang EDSA Shrine sa Ortigas.
Ayon kay MMDA Supervising Head for Operations Bong Nebrija sa naunang pulong nila sa National Historical Commission of the Philippines magkakaroon ng simbolikong salubungan kaya’t isasara ang nasabing bahagi ng EDSA.
Mula alas-dose uno ng hatinggabi ng linggo, magsasagawa na anya sila ng partial closure ng dalawang linya ng EDSA northbound lane mula sa Ortigas Avenue hanggang sa Boni Serrano.
Habang ganap na alas-sais ng umaga hanggang matapos ang aktibidad ay gagawin ang full closure.
Magkakaroon naman ng zipper lane sa southbound lane upang makadaan parin ang ilang motorist.
Samantala, apat na traffic enforcement districts ng MMDA ang magbabantay sa mga lugar na maaapektuhan ng aktibidad para umalalay sa mga motorist.
Pero ngayon pa lamang ay nagpapaalala na ang MMDA sa mga motorista na hindi naman lalahok sa aktibidad o walang mahalagang lakad sa araw ng linggo, a-bente sinko ng Pebrero na iwasan na lamang munang bumaybay sa kahabaan ng EDSA.