Manila, Philippines – Ipinakilala ngayong hapon ang bagong sistema sa pagtanggap ng aplikasyon ng mga nagnanais pumasok sa Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, sa ilalim ng Robust Neuro- Psychiatric Medical Dental System (RONMEDDS), computerized at bar coding na ang magiging sistema sa paghahandle ng mga dokumento ng mga aplikante.
Ibig sabihin, lahat ng records, kabilang ang identification, resulta ng mga pagsusulit, resulta ng medical, dental at neuro exam ay di-derecho na sa database ng PNP.
Dahil dito ayon kay Albayalde, masasala na at tanging ang mga karapat-dapat lamang ang magiging bahagi ng PNP dahil lalabas sa record kung sino lang ang physically, medically at mentally fit na mapabilang sa PNP.
Sa ganitong paraan aniya, maiiwasan ang korupsyon, ang pagkakaroon ng backer o padrino at maging yung pagbabayad sa neuro-psychiatric test para makapasok sa PNP.
Dagdag pa ni Albayalde, ang naturang paghihigpit na ito ay binabalangkas na noong panahon pa ni General Ronald dela Rosa, na kaniya lamang ipinagpatuloy.
Sa Hulyo, gugulong ang unang batch ng mga magaapply sa pagkapulis, sa ilalim ng RONMEDDS system.