Manila, Philippines – Hustisya ang sigaw ng pamilya Castillo matapos masawi ang first year law student na biktima ng hazing sa isang fraternity sa University of Santo Tomas.
Kwento ni Ginang Carmina Castillo, ina ng biktima na si Horacio Tomas Castillo III, 22-anyos nagpaalam sa kanila ang anak nuong Sabado ng umaga na pupunta sa welcome party ng Aegis Juris Fraternity dahil tapos na ang initiation rites nito.
Nagsabi anya kanilang anak na uuwi ng linggo ng umaga para makasama sa kanilang pagsisimba.
Pero lumipas na ang magdamag at ilang pang oras pang nagdaan bago sila nakatanggap ng isang text message na nasa Chinese General Hospital ang kanilang anak.
Agad umano silang nagpunta sa ospital, pero sinabi ng isang nurse na kinuha na ng SOCO ang bangkay at dinala sa Archangel Funeral Homes sa Sampaloc.
Ayon pa kay Ginang Carmina, natagpuan ang bangkay ng kanilang anak sa isang bangketa sa bahagi ng Balut, Tondo na nakabalot sa comforter.
At batay sa SOCO report, trauma injury ang ikinamatay ng biktima kung saan nakitaan ito ng maraming pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan at paso ng kandila.
Sinusubukan rin nilang kontakin ang mga numero na nakalagay sa pamphlet ng frat, pero walang sumasagot.
Sa ngayon, nanawagan ang pamilya Castillo sa pamunuan ng Aegis Juris Fraternity, at sa UST Faculty of Civil Law na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang panganay na anak.