Manila, Philippines – Nakatakdang sampahan ng disbarment case ng negosyanteng si Kazuo Okada ang tatlong dati niyang abogado
Ito ay matapos siyang iwanan ng mga ito nang mapaalis siya bilang director at chairman ng Tiger Resorts Leisure and Entertainment, Inc. (TRLEI).
Ayon kay Atty. Rean Balisi, isa sa mga abogado ni Okada , dapat parusahan ng Korte Suprema ang mga dating abogado ng negosyante dahil sa conflict of interest at betrayal of trust and confidence.
Ayon kay Balisi, isa sa mga dating abogado ng kanyang kliyente ay si Joemer Perez na nagtatrabaho na ngayon sa Tiger Resorts , na operator ng Okada Manila.
Noong nagtatrabaho pa aniya si Perez sa Poblador Bautista and Reyes law firm, siya ang humawak sa ilang kaso ni Okada.
Sa kanilang pagpupulong, ipinagkatiwala ni Okada kay Perez ang ilang sensitibo at confidential na mga impormasyon sa kanyang mga negosyo sa Pilipinas.
Iginiit ng Japanese businessman na matapos ang iligal na pagpapaalis sa kanya bilang chairman, bumaligtad na si Perez at ngayo’y kumakatawan sa panig ng TIger Resorts sa mga kaso nito laban sa negosyante.