Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Commission on Elections (COMELEC) na palawakin ang satellite voters’ registration program nito para mas marami ang makahikayat na magparehistro bilang botante sa susunod na mga eleksyon.
Diin ni Drilon, may pondo ang COMELEC pambili ng dagdag na biometric scanners at kumuha ng dagdag na consultants o job order employees para mapabilis ang proseso sa pagpaparehistro ng mga botante.
Suhestiyon ni Drilon, pwedeng i-hire ang mga Information Technology o IT people na nawalan ng trabaho na may kakayahang magpatakbo ng biometric machines sa ilalim ng superbisyon ng COMELEC civil servant.
Mungkahi pa ni Drilon, magtayo ng dagdag na registrations site sa bawat barangay o kaya naman ay sa mga open courts, simbahan, paaralan at kahit sa clubhouse ng mga subdivision.
Ayon kay Drilon, may sapat na pondo ang COMELEC ngayong 2021 at mayroon pang natira sa pondo nito noong 2020 na maaaring gamitin para makamit ang target na bilang ng mga botante para sa 2022 elections.
Tinukoy ni Drilon na base sa COMELEC data ay nasa tatlong milyong botante pa ang kailangang magparehistro habang nasa pitong milyon naman ang kailangang mag-renew ng registration dahil hindi nakaboto sa nagdaang dalawang halalan.