SAWI | Grupo ng BIFF na nagpasabog sa Isulan, Sultan Kudarat, naka engkwentro ng militar sa Maguindanao, 2 BIFF member, patay

416

Patay ang dalawang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter o BIFF sa ilalim ni BIFF Commander Esmael Abdulmalik alyas Abu Toraype matapos na makaengkwentro ng militar sa datu Montawal Maguindanao kanina.

Ang grupo ni Abu Toraype ang responsable sa naganap na dalawang magkasunod na insidente ng pagsabog sa Isulan Sultan kudarat na ikinamatay ng limang indibidwal.

Ayon kay 6th Infantry Division Commander Brig Gen Cirilito Sobejana, dahil sa walang tigil na operasyon laban sa grupo ni Abu Toraype matapos magkasunod na pagsabog sa isulan ay nakorner ang mga ito ng militar sa Datu Montawal.

Nagkaroon ng ilang minutong bakbakan dahilan ng pagkasawi ng dalawang miyembro ng BIFF na tauhan ni Abu Toraype habang hindi naman matukoy ng militar ang mga sugatan.

Tatlong improvised explosive device naman ang nakuha ng militar mula sa pinangyarihan ng engkwentro.

Wala namang naitalang sugatan o nasawi sa panig ng mga sundalo.

Sa ngayon nagpapatuloy ang operasyon ng militar laban sa grupo ni Abu Toraype.

Facebook Comments