
In-adopt na ng Kamara ang Senate Bill 1982, o ang panukalang batas na nagbibigay ng authority kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo.
Ang panukala ay makakatulong para maibsan ang epekto sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa dahil sa nagpapatuloy na gulo sa Middle East.
Sa sesyon sa plenaryo, inanunsyo ni Senate President Tito Sotto III na in-adopt na ng House of Representatives ang inaprubahang panukala ng Senado, ibig sabihin, hindi na ito dadaan sa bicameral conference committee.
Otomatiko na itong enrolled bill at agad na isusumite sa opisina ng pangulo upang malagdaan ni Pangulong Marcos.
Sa ilalim ng Senate Bill 1982, batay sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at sa koordinasyon sa Department of Energy (DOE), binibigyan ng authorization ang pangulo na pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo kapag ang average na presyo ng Dubai crude oil ay umabot o lumagpas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan.
Ang suspensyon o pagbabawas sa excise tax ay hindi lalampas sa isang taon at maaari lamang gamitin ang authority na ito hanggang December 31, 2028.










