Matapos ang mahigit isang taon, naglabas na si Supreme Court (SC) Associate Justice Marvic Mario Victor Leonen ng kanyang kumpletong draft ruling sa poll protest ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ayon sa source sa Korte Suprema, 97-page draft resolution ang inilabas ni Leonen kalakip ang dalawang pahinang memorandum para kay Chief Justice Diosdado Peralta.
Sa nasabing draft, sinabi raw si Leonen na paninindigan nito ang kanyang pangakong pabibilisin na ang pagdinig at pagdedesisyon sa mga nakabinbing kaso sa Kataas-taasang Hukuman.
Personal din daw na ibinigay ni Leonen sa kanyang mga kapwa mahistrado ang draft sa en banc session bilang precaution sa mga nag-leak na dokumento.
Mayroon ding kakaibang watermark sa kada pahina ng draft resolution gamit ang baybayin characters para sa salitang “confidential.”
Ang baybayin ay itinuturing na lumang Filipino writing system.
Hiniling din ni Leonen sa kapwa mahistrado na pirmahan ang bawat pahina ng draft para maiwasan itong mag-leak.