SC, naglatag ng polisiya para sa chain of custody rule sa mga kasong may kinalaman sa droga

Manila, Philippines – Inilatag ng Korte Suprema ang polisiya para sa pulis o PDEA officers kaugnay ng war on drugs ng Duterte Administration partikular sa chain of custody rule.

Ang chain of custody rules ng mga drug related cases ay nakasaad sa Section 21 ng Republic Act 9165.

Sa desisyon ni Associate Justice Diosdado Peralta, inutos nito pawalang-sala ang isang Romy Lim ng Cagayan de Oro na nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong sa Cagayan de Oro RTC Branch 25.


Pinababasura din ng Korte Suprema ang desisyon ng appellate court na kumakatig sa desisyon ng Cagayan de Oro RTC.

Ayon sa Korte Suprema, hindi nasunod ng mga arresting officer ang probisyon ng Section 21 ng Republic Act 9165 dahil walang miyembro ng media, halal na opisyal at kinatawan ng DOJ nang iproseso ang ebidensya laban kay Lim.

Iginiit din ng Korte Suprema ang kahalagahan ng pagproseso ng ebidensya sa lugar kung saan isinagawa ang operasyon o sa pinakamalapit na himpilan at kailangan naroon ang mga testigo para mapanatili ang integridad ng mga ebidensya.

Inatasan ng Korte Suprema ang court administrator na bigyan ng kopya ng desisyong ito ang lahat ng Regional Trial Court (RTC) sa bansa, DOJ, National Prosecution Service, Solicitor General, Public Attorneys Office (PAO), PNP at PDEA upang magsilbing paalala sa tamang proseso na dapat sundin sa pagpapatupad ng war on drugs ng administrasyon.

Facebook Comments