Manila, Philippines – Bigong makakuha ng Temporary Restraining Order mula sa Korte Suprema ang mga tumututol sa pagpapatupad ng Republic Act number 11054 o ang Bangsamoro Organic Law.
Sa regular en banc session ng Supreme Court kanina, napagpasyahan na pagsumitehin muna ng komento ang Malakanyang at Kongreso kaugnay ng petisyong inihain ni Sulu Governor Abdusakur Tan at ng grupong PhilConSa.
Pag-iisahin na rin ang dalawang petisyon kung saan unang naraffle kay Justice Marvic Leonen ang unang petisyon na isinampa ni Gov. Tan.
Bunga nito, tuloy ang plebisito sa January 21 at February 6.
Sa Juanary 21 ay plebisito para sa ratipikasyon ng BOL na isasagawa sa ARMM, Cotabato City at Isabela City.
Ang February 6 namang plebisito ay para sa Lanao del Norte, North Cotabato, kasama ang ilang barangay na naghain ng kanilang petisyon para mapabilang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na una ng pinagbigyan ng Commission on Elections.