SCAM | Lalaking gumagawa ng cloned credit cards, arestado!

Taguig City – Arestado sa ikinasang operasyon ng mga National Bureau of Investigation-Cybercrime Division ang isang lalaking gumagawa umano ng “cloned” credit cards sa Bonifacio Global City sa Taguig City.

Narekober sa condo unit ng suspek na si Romeo Liwag ang iba’t-ibang equipment tulad ng printer, embosser, skimming device at mga blangkong card, na ginagamit niya sa pamemeke ng mga credit card.

Nakitaan pa ng mga EMV Chios ang ilang nakumpiskang blangkong card sa suspek.


Nakuha rin sa kaniyang condo unit ang isang 9mm na baril at mga bala.

Paliwanag ni Atty. Vic Lorenzo, hepe ng NBI Cybercrime Division, nakukuha ni liwag ang mga credit card information sa tulong ng mga kasabwat niya sa ilang restaurant, tindahan at gasolinahan.

Gamit ang maliliit na skimming device, palihim umanong isini-swipe ng mga kasabwat ni Liwag ang credit cards ng kanilang mga kliyente.

Aniya, ang mga cloned credit cards ay ginagamit ng suspek para ipamili ng mga mamahaling gamit para maibenta at mapagkakitaan.

Sabi ni Lorenzo, taong 2011 pa sinimulan ng suspek ang naturang scam.

Hinala naman ng NBI, may kasabwat din si Liwag sa loob ng mga bangko na nag-aabiso kaugnay sa credit card limit ng bawat card na kanyang nakukuha.

Facebook Comments