SCAM | Lalaking nanloko ng Fil-Am, kinasuhan na

Manila, Philippines – Sinampahan na ng kasong estafa sa Manila Prosecutor’s Office ang suspek sa panloloko sa isang Pinoy na naka-base sa Amerika.

Kahapon nagkaharap sa NBI ang negosyanteng biktima na si Alejander Bugarin – at ang suspek na si Tomas Necasio Nazareno.

Ayon sa biktima, ipinakilala lamang sa kanya ng isang kaibigan ang suspek na nagpanggap na may 30-Billion US dollars na deposito sa HSBC -Thailand.


Ayon sa biktima, ipinaalam sa kanya ng isang Pastor Gavino Ronquillo ang tungkol sa naturang halaga ng assets sa bangko subalit pumanaw na raw ang tunay na may-ari nito kaya nailipat ang deposito sa pangalan ng suspek na si Nazareno.

Gayunman, walang pera si Nazareno para makapunta sa Thailand para i-proseso ang withdrawal ng naturang bilyones.

Bunga nito, inalok ni Pastor Gavino ang biktima na magpaluwal ng P2-Million para sa travel expenses at logistical needs ni Nazareno.

Napaniwala aniya siya ng suspek matapos itong mangako ng malaking interest sa kanyang investment.

Unang naglabas ang biktima ng USD 7,000 at ipinadala sa suspek sa pamamagitan ng isang money remittance company.

Humingi pa ng karagdagang pera ang suspek na umabot sa USD 54, 530 para naman daw sa pagpo-proseso ng iba pang dokumento.

Nagduda na ang biktima kaya nakipag-ugnayan na ito sa mga otoridad kung saan naaresto sa entrapment operation ang suspek.

Facebook Comments