Nanawagan si BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co sa National Bureau of Investigation (NBI), Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa Department of Health (DOH) na imbestigahan ang scam sa allowance at benepisyo ng barangay health workers.
Ito ay matapos makatanggap ng reklamo ang opisina ng kongresista mula sa ilang barangay dahil pinapabalik ng Municipal Health Office (MHO) at Rural Health Unit (RHU) ang allowance ng mga barangay health workers at saka hahatiin para sa ibang personnel na wala naman sa payroll.
Giit ni Co, iligal ito dahil iba naman ang allowance ng mga barangay health workers sa allowance ng ibang tanod at staff.
Dahil dito, pinaglalabas ng mambabatas ng memorandum ang DILG at DOH para linawin ang bagay na ito at papanagutin ang mga sangkot.
Pinasisilip din ni Co sa DOH at DBM ang reports na hindi pa rin natatanggap ng mga BHWs na nagkasakit ng COVID-19 ang kanilang compensation kahit pa mahigit isang taon na mula nang kanilang maisumite ang mga dokumento sa RHUs at Local Government Units.