Scam sa paghahanap ng face shield online, iniimbestigahan na ng PNP Anti-Cybercrime Group

Nagsasagawa na ngayon nang pag-iimbestiga ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa mga reklamo tungkol sa “face shield scam”.

Ito ay makaraang magsulputan sa social media ang mga post sa page, group at market place na mga naghahanap ng daang libo at milyon na suplay ng face shield para ibenta.

Ayon sa ACG, naipaabot na nila sa kanilang Cyber Financial Unit ang mga reklamo at kasalukuyan nang ginagawan ng aksyon.


Inaalam din nila kung may nag-mamanipula sa demand ng face shield gayundin sa presyo ng mga ito.

Kung sakali namang mapatunayan na may paglabag, sinabi ng ACG na hindi sila mangingiming magsampa ng kasong kriminal sa mga suspek.

Paalala naman ng PNP-ACG sa publiko na mag-ingat at suriin munang maigi ang mga pinapasok na online transactions.

Matatandaang una na ring may naaresto ang ACG kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) na mga scammer na may kinalaman sa pagbebenta ng face mask.

Para sa mga may reklamo, maaring mag- text o tumawag sa numerong 0998-598-8116 o pumunta sa website na http://acg.pnp.gov.ph at i-click ang e-complaint icon.

Facebook Comments