Natanggap na ng Philippine Navy ang kanilang kauna-unahang ScanEagle Unmanned Aerial System (UAV) mula sa Amerika.
Tinanggap ni AFP Deputy Chief of Staff, Vice Adm. Erick Kagaoan, ang ScanEagle System mula kay US Embassy Acting Deputy Chief of Mission Kimberly Kelly.
Ang ScanEagle System na binubuo ng 8 fixed-wing air vehicles, 2 launchers, skyhook at ground control station ay binili ng Pilipinas sa pamamagitan ng Maritime Security Initiative Program ng United States sa halagang $14.79 milyon.
Ang mga bagong Unmanned Aerial Vehicle (UAV) ay magiging bahagi ng Maritime Unmanned Aerial Reconnaissance Squadron ng Naval Air Wing ng Philippine Fleet.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, ang mga bagong UAV ng Navy ay makakatulong sa kahalintulad na UAV ng 300th Air Intelligence and Security Wing ng Philippine Air Force na naka-base sa Antonio Bautista Air Base sa Palawan, sa pagbabantay sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.