Scholarship inaalok umano sa mga estudyanteng sasali sa ‘makakaliwang grupo’

Image via Twitter/Senate of the Philippines

Ibinunyag ng isang dating rebelde na scholarship sa pampublikong unibersidad ang pambulag umano ng ilang miyembro ng ‘makakaliwang grupo’ para sa mga estudyanteng kanilang i-rerecruit.

Sa pagdinig ng Senate public order and dangerous drugs ukol sa mga nawawalang bata nitong Miyerkules, inamin ni Alvin Torero na ito ang ipinangako ng grupong sinalihan noon sa mga mag-aaral na kaniyang nahikayat.

“Sa murang edad na-recruit nila ako hanggang sa naging recruiter na rin po ako. Sabi ng Kabataan partylist sa akin pangakuan mo ng scholarship sa UP, PUP pero nung magpapasukan na, isa dun ‘yung pamangkin ko na narecruit ko, wala po ni isang nakapasok sa school,” ani Torero.


Target rin umano ni Torero ang mga kabataan na may galit sa kani-kanilang pamilya at madalas nasa lansangan.

Aniya, “Kapag may hindi kumakain, binibigyan ko ng pagkain. Kapag nabigyan ko ng pagkain akin na ‘yan, bibigyan ko ng pag aaral”.

Ayon pa sa dating aktibista, madaling makumbinsi ang mga batang hindi napag-aaral ng kanilang mga magulang.

Isa pa sa mga nagbigay ng testimonya sa Mataas na Kapulungan ay si Nancy Dologuin, dating atleta mula sa Mindanao State University.

Dahil naging biktima ng tangkang panghahalay, hinimok siya ng ilang indibidwal mula sa League of Filipino Students (LFS) at Gabriela Women’s Group na sumapi sa grupo noong 2006.

“Mayroon akong hinanakit sa loob ko. Naiinis ako sa mga lalaki kapag nakikita ko sila dahil sa ginawa sa akin. Perfect naman, lumapit itong LFS na nagpapakilalang Gabriela, kasi nandoon ang diwang palaban ko,” sambit ni Doloquin.

Kalaunan, naging parte siya ng New People’s Army (NPA) at namundok sa loob ng walong buwan.

Nang kumalas sa komunistang grupo, binantaan umano siya na papatayin ng mga dating kasama.

“Humingi ako ng paumanhin, pero t*ngin* silang lahat. Nandito ako naglakas ng loob na di ako nagtatago kasi haharapin ko iyan. Alam ko gusto nila akong patayin eh, then go ahead,” tugon ni Doloquin.

Samantala, iginiit ni Kabataan Partylist Representative Sarah Elago na walang basehan at masyadong malisyoso ang mga alegasyong pinaparatang sa ‘makakaliwang grupo’.

Facebook Comments