Scholarship para sa mga anak ng magsasaka at mangingisda, isinulong sa Kamara

Pinabibigyan ni Pinuno Party-list Representative Howard Guintu scholarship mula elementarya hanggang kolehiyo ang mga anak at dependents ng magsasaka at mangingisda sa mga pampubliko o pribadong educational institution.

Nakapaloob ito sa inihain ni Guinto na House Bill 8423 o Educational Scholarship for Children and Dependents of Farmers and Fisherfolks Act na kapag naisabatas ay lalaanan ng inisyal na pondo na ₱50-M.

Kwalipikado na maging benepisaryo ng panukala ang mga nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na isang electronic compilation na naglalaman ng mga impormasyon ng mga magsasaka, farm workers at mangingisda.


Ito ang basehan sa pagbibigay ng serbisyo ng gobyerno sa ilalim ng mga programa at proyekto ng Department of Agriculture (DA) at mga attached agencies nito.

Ang panukala ni Guinto ay tugon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang mga mangingisda ang may pinakamataas na poverty incidence noong 2021 na umaabot sa 30.6% at sumunod ang magsasaka na 30%.

Facebook Comments