Pinakikilos ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co ang Department of Education (DepEd) na maisama sa top priority list ng mababakunahan ng COVID-19 vaccine ang mga school health personnel sa parehong public at private schools.
Ipinarerekunsidera ni Co ang mga health personnel ng mga paaralan bilang health care frontliners na eligible sa COVID-19 vaccines.
Kasunod ito ng pagkabahala ng kongresista sa report ng ahensya na 1,638 na mga mag-aaral at 2,830 na mga teaching at non-teaching personnel ang nagpositibo sa COVID-19.
Paliwanag ng kongresista, bagama’t nasa ilalim ng blended learning, may ilang mga guro ang minsa’y shifting na pumapasok sa paaralan at lumalabas ng bahay habang ang mga estudyante ay nasa tahanan na posibleng sa mga bahay rin nakuha ang sakit.
Kaya naman, para protektado ang mga school health personnel sa oras na unti-unting magbalik sa face-to-face classes ay pinatitiyak nito sa DepEd na kasama ang mga ito sa priority list ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH).
Kabilang sa mga health personnel sa mga paaralan ang mga school nurses, school doctors, school dentists, at iba pang DepEd personnel na nagboluntaryong tumulong sa mga COVID-19 testing at care facilities.