Cauayan City, Isabela- Umaabot sa 70 high school students ang nakiisa sa isinagawang School Kit Pantry ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Estrella, San Mateo, Isabela.
Kasabay ito ng selebrasyon ng National Children’s Month na may temang “New Normal na Walang Iwanan: Karapatan ng Bawat Bata Ating Tutukan!”
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SK Chairperson at Federation President Alenis Jaya Astrero, bagama’t bawal pa rin ang paglabas sa mga bahay ng menor de edad kaya’t naisipan ng grupo nito na magbahay-bahay na lamang para sa kanilang aktibidad.
Target naman na makatanggap ng school supplies ang nasa kabuuang 148 na kabataan upang kanilang magamit sa pag-aaral.
Samantala, magpapamigay naman ng libreng vitamins ang grupo ni Astrero para sa mga batang edad 2-12 sa susunod na linggo.
Layunin nito na matugunan kahit papaano ang ilang pangangailangan ng mga kapwa niya kabataan ngayong banta pa rin para sa lahat ang kasalukuyang pandemya.
Matatandaan na nasa 80 college students naman ang nakinabang sa hiwalay na pantry na inilunsad ng SK Federation.
Inaasahan naman na mas mapapalawig pa ang kanilang aktibidad para sa mga kabataan ng San Mateo.